tsinelas

Nagsimula ang lahat sa isang pares ng kakaibang tsinelas sa loob ng Nonagon Hotel na tinuluyan namin nung elementary reunion. Naaliw si Anna. Piniktyuran. Naaliw si Ella. At pinilit akong isulat. Tutal naman daw, “magaling” akong mag-blog. Hindi naman, enjoy lang akong mag-blog, ako lang ata blogger na kilala. Haha.
Tsinelas. Tagalog na term para sa slippers, o sandals. Flipflops, kung sosyal ka. Havaianas, Happy Feet o Ipanema, kung nagpaimpluwensya ka sa pop culture sa Pilipinas.

Tsinelas. May kumalat na quote dati tungkol sa tsinelas e, yung tipong yun pa rin yung hahanapin mo pag-uwi mo sa bahay. Tipong kahit naka-designer shoes ka pa, magtsitsinelas ka pa rin pag-uwi mo.

Tsinelas. Sino kaya ang unang taong nagtsinelas? Si Rizal na nagtapon ng tsinelas sa ilog? Haha. Teka lang, nalalayo ako sa gusto kong sabihin.

Ayos. Napa-google tuloy ako ng salitang tsinelas. Abaca pala yun originally tapos ngayon synthetic na, merong mabango, merong mahal, merong may print, merong walang strap yung suot ni Joey de Leon sa Eat Bulaga!, merong mura, may luma, may bago. Yung tsinelas ko ngayon, yung Bananapeel e. Nako, wag kayong bibili ng brand na to. Cute lang siya at mukhang matibay kasi matigas pag pinisil mo. Medyo may kamahalan pa para sa P100 na presyo niya kaso ilang linggo lang, pumapasok na yung basa sa may bandang sipit. Kakainis. Pero maganda siya, nagpaloko ako sa design. Haha. Nakakaputi ng paa. Maski yung Planet ganun din. Di ko pa rin nga nahahanap yung perfect tsinelas para sakin e, pero ayos lang, magtatry pa rin ako ng ibang brand, yung kasya sa budget, hindi ako maghihikahos, at hindi ako magwawala pag nawala dahil, libo siya!

Napalo ka na ba ng tsinelas?

Bukod sa pang-porma at komportableng ibinibigay nito satin, isa pa yan sa mga matibay na ebidensya kung bakit buhay na buhay pa rin ang tsinelas ngayon. Hahaha. Naalala ko nga yung pamangkin ko. Si Peyu. Makulit kasi, papaluin ng lola namin ng tsinelas, sinabihan ba naman niya ng ” Wag! Hugasan mo muna yang tsinelas mo, ang dumi-dumi, ipapalo mo sakin?” malditang bata. Ayun. Hindi nga siya napalo, natawa na rin kami. Pero masakit mapalo ng tsinelas a, lalo na yung alpombra. Wapak! Takot ako dun e. Hahaha.

Alam mo yung mga miniature tsinelas na ginagawang keychain? Tapos, kapag magboyfriend kayo, tig-isa kayo, hahaha. Mais, siyet. Haha. Pero ang kyut, aaminin ko. Kung sinuman nakaisip nun, haha. Hahanapin ko rin nga yung kapares nung tsinelas ko. Ayun, Naalala ko na yung punchline. Tipong, walang silbi yung isang tsinelas kapag wala yung isa. Ayun lang. Parang medyo hawig pa sa anecdote kay Rizal, cheesy nga lang. Hehe. Bat tsinelas, magagamit ba ang sapatos kapag isa lang?

Teka. Ang layo ko na talaga. Ang layo na ng nalakad namin ng tsinelas ko. Haha. Itutuloy ko na yung kwento. Ganito kasi yun. Kakaiba yung tsinelas dun sa hotel e. Yung isa, pula, yung isa blue. Tapos, may gupit sila dun sa bandang itaas, talagang mapapansin mo siya. Yun ang papansin na tsinelas. Sinukat namin, aba! Kasya, size seven, tig-isa kami ni Ella. Naisip pa nga namin na, bat kaya ganun yung tsinelas? Para di manakaw? E kahit benteng pares nun, kasya sa laki ng bag ko e. Pwera biro, ganun kalaki bag ko. Haha. Istilo? A ewan, ayoko ng isipin. Ang kulit kasi ni Ella e, nagpauto pa ko. Hahahaha.

Tsinelas. Flipflops. Alpombra. May bakya pa. Ayos, dati, minamaliit diba? Ngayon, fashion statement na. Pero bat bawal pa rin sa opisina? Nagpapaltos kasi paa ko sa heels e. Tiis-ganda. Siyet. Di ba kami makakapagtrabaho kung naka-tsinelas kami? Asa sapatos ba ang mga utak namin? Napaka-flexible nga ng tsinelas e. Hindi nananakit at nang-mumurder ng paa. Tapos, kapag umulan, hindi masisira, di tulad ng sapatos, kailangan pa patuyuin sa likod ng ref.

A, ewan. Matutulog na rin ako. Baka mapalo ako ng alpombra ni Mama pag di na naman ako gumising ng maaga. Haha. May alpombra pa ba? Sana managinip ako, suot niya na yung isang pares ng tsinelas ko.

Woot. Mais na nga. Tsk.

Advertisements