Simula ng tumakbo si papa bilang punong-barangay ng lugar namin, nagkanda-leche leche na lahat. Hindi naman lahat kung tutuusin, pero parang domino effect, sunud-sunod yung mga naging negatibong epekto sa buhay niya, sa buhay namin, sa negosyo.

Hindi mo siguro ako naiintindihan, pero ganito kasi yun. Tatlong taon na ang nakararaan, nadaya ang tatay ko sa barangay elections. At hindi ito yung ugaling Pilipino na kapag talo e sasabihing nadaya. Kasi nadaya siya talaga. Isipin mo ba naman, panalo ka na sa bilangan sa presinto at sa Barangay Bureau pagdating sa COMELEC talo ka? Ano yun? At isa pa, natalo ang papa nung una siyang tumakbo at hindi siya nag-apela, kaya nadaya siya talaga.

Tatlong taon. Halos tatlong taon yung itinagal nung kaso. Sa loob ng tatlong taong yun, nakapagsilibi na dapat siya e. Pero hindi, sa loob ng tatlong taong yun puro legal battles. Siguro kung susumahin ko kung nakamagkano na siya ng nagagastos e hindi bababa sa isang milyon. Isang milyon. Yung jackpot sa mga pakontes sa TV. Yung presyo ng isang kotse. Yung presyo ng down payment ng tito ko sa magandang-magandang bahay niya na sa Cavite.

Sa totoo lang, hindi ko talaga maintindihan kung ano ba ang meron sa barangay namin. Hindi naman fulfilling na pagsilbihan ang mga constituents na mala-iskwater kung magsi-asta. Hindi ko talaga naiintindihan kung saan nanggagaling si Papa. At hindi ko na siguro maiintindihan pa. Alam mo bang sa loob ng tatlong taong yun ay nagkanda-utang-utang ang pamilya; nag-away si mama at papa dahil sa pera at naglayas yung kapatid ko; nalulugi yung negosyo; at nagalit sa akin ng sobra sobra si Papa sa isang instance na tinapakan ko daw yung pride niya ng hindi ko sinasadya. Masamang-masama yung loob ko sa totoo lang.

Nasanay kasi ako ng maganda yung pamumuhay namin e. Yung hindi mayaman pero pag may hiningi ka, may maibibigay; yung kapag sinabi kong may babayaran ako, mabibigyan agad ako ng pera at hindi yung pakiramdam ko ang hirap-hirap na namin. Ganoon yung pakiramdam. Miserable. Oo, inaamin ko namang maluho ako e. Pero para saan ba yung ginagawa ni Papa? Ano bang mapapala niya? Oo, nakapagsilbi siya. Ayun na.

Nakapagsilbi siya ng tatlong buwan bago mag-eleksyon. Masalimuot. Araw-gabi wala kaming tatay. Kulang na lang dun na siya tumira sa barangay hall. Mula umaga may pumupunta at nagrereklamo, may humihingi ng tulong, may umiiyak, may nakagat ng aso ng kapitbahay, may mga umeepal at nagpapalakas lang kasi nga, siya yung nakaupo.

Ewan ko ba, ngayon eleksyon na naman. Tatakbo na naman. Kailangan na naman ng pera para sa eleksyon. Saan na naman kaya kami kukuha? Wala naman kasing napapala e. Ayun, pride na chairman ang tatay ko? Na iginagalang kami’t nirerespeto sa komunidad? E kahit naman nung hindi pa siya chairman e iginagalang at nirerespeto na siya e.
Pero sige nalang. Malungkot lang ako, kasi singkwenta na si Papa, hindi niya na dapat pa pinoproblema yung ibang tao.

At hindi na rin dapat ako pumapatol sa mga barbaro kong kabaranggay na nangpoprovoke ng mga tao na patulan sila’t bumaba sa lebel nila. Pero tao lang e, kahit sinong may hawak ng bachelor’s degree, wala, mauubusan ng pasensiya.

Siyangapala, para sa mga taga-barangay 410 Zone 42 ng Maynila, re-elect Felix Mones for Chairman.

Advertisements