Siguro sa ngayon, alam niyo na na ang bawat palabas na napapanood ninyo sa inyong mga telebisyon ay bunga ng pagmamahal at passion ng mga tao hindi lang sa harap kung hindi ng mga tao sa likod ng kamera. Bawat shots ay pinag-iisipan ng mga cameraman, bawat bato ng ilaw o gamit maski background lang ay may silbi, ang mga voice over ay dumadaan sa writer hanggang sa pinaka-boss ng programa (minsan hanggang sa pinaka-boss ng isang istasyon kapag special) bago i-record ng mga hosts, ang mga litrato at video, maging ang mga kanta ay ipinapagpaalam sa may-ari, ang mga chargen o yung mga lumalabas na texts at graphics kasabay ng video ay dumadaan rin sa butas ng karayom bago niyo mabasa on air. Sa madaling sabi, lahat ng nakikita mo dyan ay may purpose.

Hindi pa ko nanganganak, pero naisip ko, ang bawat episode, hindi, maging ang bawat segment, ay parang “baby” ng mga taong bumubuo nito, lalong-lalo na ng producer. Siya ang mommy ng episode.

First trimester. Para sa isang producer, ang first trimester ang isa sa mga exciting na parte ng pagpo-produce ng isang episode. Lahat ng pakiramdam ay bago. Dito, gagawan ng treatment o concept ng producer ang episode bago ito ma-shoot. Saka ito “che-chek up-in” ng mga boss na siyang magsasabi kung ayos ba ang “baby”: malusog ba, may kailangan bang baguhin, marami bang isusukang idea o mapapaisip ng mga cravings ang producer para mabuo ito ng maayos.

Second trimester. Matapos i-approve ang concept/treatment, ishu-shoot na ito. Depende sa topic, minsan nagiging madali o mahirap ang production period. Maraming factors ang makakaapekto rito tulad ng case study, location, budget at feasibility ng treatment. Mula rito, unti-unti nang nagkakaroon ng kamay, paa, at puso ang “baby” ng isang producer. Hindi lang ang “baby” ang makakaramdam ng pagbabago, kundi ang “mommy” rin. Halo halong emosyon ang nararamdaman ng isang producer sa mga panahon ng “pagbubuntis” niya: saya, inis, excitement, mas umiigting na pagmamahal sa episode at stress. Gusto na niyang makita ang paglabas ng baby niya, pero konting hintay pa.

Third trimester. By this time, tapos na magshoot ang producer. Preview ng materyal, time coding at pagsusulat na ng script ang aatupagin niya para sa ikagaganda ng episode. Depende sa mga boss kung ayos na ang script para ma-edit na ito. Sa editing, minsan walang tulugan. Minsan nakakaumay na mapapaisip ka na “I don’t want to be pregnant anymore.” Maraming revisions ang mga boss para lalong mas mapaganda ang episode. At this moment, excited na ang producer na makita ang “baby” niya. Sa katunayan, unti-unti niya na itong nakikita sa editing. Sa pagdudugtong ng mga clips at SOTs (sound on tape o mga sinasabi ng mga tao sa episode) paglalagay ng scoring at color grade, ayan na ang lalong tumataas na anticipation ng excited na “mommy”.

Labor. Ayan na ang labor pains, konti na lang iire, este, eere ka na. Minsan nga lang ung katabi mong “buntis” rin, mas maunang umire, minsan yung co-producer mo iba-bump off ung “baby” mo kasi mas handa na na makita ng mundo yung kanya kaysa sayo o breaking yung episode niya, minsan naman mauuna ka. Katumbas yata ng mga mga salitang “dubbing out” ang “push, push, push!”

Ang aktwal na paglabas ng bata? Ibang klase! Ibang klase rin ang mukha ng bawat kaeere lang na producer: masayang masaya na makita ang labor of love nila, yung iba naiiyak pa. Minsan nga, mukha rin silang bagong panganak sa pagod e!

Ayan na ang “baby!” Pero kung akala mo dyan natatapos ang “labor pains” ng isang producer, hindi pa. May post mortem pa matapos umere. Tulad ng sa tunay na bagong panganak na sanggol kung saan isscrutinize ng mga bisita mo kung sino kamukha, maliit ba, mataba ba, maputi ba o maitim ba ang baby mo ay ganun rin sa “baby” ng isang producer. Ang masaklap nga lang, hindi lahat ng bisita ay sasabihing “cute naman ng baby mo!” kahit hindi. Sa mundo ng isang producer, brutal ang mga tao. Sasabihin nila kung pangit o maganda, kung madilim, bitin, o laylay ang “anak” mo at kung ilang tao nationwide ang nagandahan sa anak mo base sa ratings.

Pero nonetheless, mahal ng bawat producer ang “baby” nila tulad ng sa isang ina. Kahit anong mangyari, pinaghirapan nila ang palabas na yun, binuhos ang lahat at ipagtatanggol nila ito sa kahit kanino. Unconditional.

Kaya siguro “labor of love” ang tawag sa mga episodes, dahil para ka na rin yatang nag-labor at nanganak sa totoong buhay.

Pero hindi tulad sa totoong buhay, walang maternity leave sa buhay media, literally at figuratively. Hindi ka pwedeng magpahinga, dahil “kapapanganak” mo pa lang, nagbubuntis ka na naman ng bagong episode, minsan overlap pa.

#Day22 of #65days #buhaymedia

Advertisements