Disclaimer: Isa sa pet peeves ko ang mga taong post agad ‘pag may sakit sila sa social media. Ang sakin lang, gagaling ka ba sa get well soon ng mga tao? Nagpapakaba ka lang sa mga tao e, o papansin? Bat nagawa mo pang mag-post, so di ganun kalala na na-ER ka? Ah… papansin nga. So yun. Yung iba kong kaibigan pagagalitan pa ko, naospital ka na’t lahat, di pa namin nalaman! sabi nila. Pero ngayon, ibe-break ko yung sinabi ko, iba naman, in my defense, medyo okay na ko. At nakakapag-blog na nga. Di pa ba okay yun?

 

*******************************

“Sir, may health card po ba siya? Intellicare? Medicare? Medicard?”

“Chill, may health card ka ba?” tanong ni Papa habang namimilipit ako sa bed 6 ng Mary Chiles General Hospital nung Lunes. Lukot na lukot ang mukhang umiling ako.

Sa totoo lang, kung okay okay ako, sasagutin ko yung nurse ng: “Kahit ano pang sabihin mong kumpanya, ate, wala, wala, wala. Akala mo lang meron dahil nakalagay sa occupation ko medyo sosyal at kilalang kumpanya, pero wala! Ako na, ako na ang walang health card! Gaaaaah!”

Mga ganyang level.

Nasugod na naman ako sa hospital after more than six months nang dahil sa sakit ko sa tiyan. Gastritis. O ulcer. Di ko na alam kung ano sa dalawa basta yung sakit niya mas gugustuhin ko pang mamatay na lang at mag-resurrect ala-Lazarus, kung pupwede. Matapos ang ilang minuto, binalikan ako ng nurse, mula 1-10, anong rate ng sakit? Medyo matapang ako sa rate rate na yan so sabi ko 9, kahit 10 talaga ang nararamdaman ko. Kasi, magpapadala ba ko sa hospital kung kaya ko naman yung sakit? E ang taas ng threshold ko sa pain. Nagkataon lang sigurong nagkataong may buwanang dalaw rin ako, kaya hala sige! Party ng lahat ng klase ng kirot sa abdominal part ng katawan ko. Umabot pa sa puntong sabi ko kay papa: “Pa, saksakin mo na lang kaya ako. Para mawala na yung sakit.” “Pa, sikmuraan mo kaya ako, para iba naman yung cause ng pain.”

Hawak ni papa yung mga kamay ko, ang ingay ng mga sanggol sa kabilang kurtina. Bumalik ang nurse at nilagyan ako ng dextrose. Sabay saksak ng Buscopan at isa pang gamot na hindi ko natandaan ang bigkas para huminto ako sa pagsusuka. Namumutla na raw ako. Kaya ako, si Carmina Mones, matapos ang dalawampu’t anim na taon, apat na buwan, labing siyam na araw at sampung oras, ay hindi na dextrose virgin. Goal ko pa man ding hindi ma-dextrose-an ever dahil panopla ko yun sa mga nagsasabing sobrang payat ko. O e ano naman, at least ‘di sakitin.

Kaso, nung tinamaan ng magaling at nagkaron ako ng ganitong sakit Abril noong 2012, wala na, downward spiral na. Nagshu-shoot kami nun ng para sa “May Bilog, Na Hugis Itlog” sa Quiapo. Daming baklas. Pinakamaraming baklas ng shoot na ginawa ko sa isang araw, sabay pa ng segue ko sa Juan Ponce Enrile reenactment shoot namin ni Jerome, ayun. Ang una kong kain, bago mag-roll sa likod ng TIP ng alas otso ng umaga. Sunod kong kain, alas nuwebe ng gabi sa tapat ng Comelec at Manila Cathedral. Ang sarap ng ulam, maanghang-anghang na africhada, o mechado yata yun. Pagbaklas ng shoot at lipat ng location sa Quiapo market, yung nakaantabay naming ambulansya, ako na nakahiga. Ang sakit sakit ng tiyan at puson ko. Akala ko dahil lang sa may period ako nun. Ito na pala yun. Unang paramdam. Nagpahatid na ko sa van matapos kong magpaalam sa EP na di ko na kaya.

Pag-uwi ko, diretso ako sa banyo at dun ko sinuka ang hapunan ko. Suka. Suka. Suka. Pinagpapawisan na ko ng malapot at malamig. Ginising ko si mama, di ko na kaya, kako, punta tayo ospital. So pagdating namin sa ospital, tests and all, sinaksakan ako pampatigil ng pagsusuka at para sa sakit, pinauwi na rin.

Simula nun, twice a year ako kung magpadala sa ER. Hindi siya magandang experience. Makirot na yung tiyan ko, makirot pa sa bulsa ko. Aray ko. Double whammy. May isang beses pa na nag-eedit kami, at umuwi rin ako in the middle of the editing dahil hindi ko na kaya. Sa ER, tumunog ang telepono ko, inabot ni papa sakin, pagtingin ko, boss. Pagsagot ko, ano daw chargen o courtesy ng isa kong video. Aray ko. Muntik magalit si Papa. Sabi niya, “ano ba ‘yan, nasa ospital ka na!” Pero ganun talaga. Pwede ba namang ilagay sa courtesy: Hindi namin alam kanino ike-credit, nasa ER ang SP. Siyempre hindi!

Wala kong sinisisi sa sakit ko. Sino ba naman ang may gustong magkasakit? Siguro, kung kailangan ng sisisihin, ako na lang. At ang lahi naming may case ng ulcer. Payback’s a bitch. Ang dami kong na-miss. Hindi ako nakapag-shoot kahapon. Hindi ako makakasama sa V-Day outing namin ng friends ko dahil kailangan ko pa magpahinga. Bukod dyan, ang daming bawal. Ako rin naman ang matigas ang ulo na hindi kayang i-give up ang lahat ng bawal. Yung maanghang, na-give up ko na yun. Men, sobrang sakit sa loob ko ng malaman kong yun ang main trigger ng sakit ko. Yung tsokolate, softdrinks, dairy products at kung anu-ano pang sangkaterbang bawal sakin dahil acidic, lahat ‘yan tine-take ko na lang ngayon in moderation. Ate Charo, ganito pala kasakit mag-give up ng pag-ibig. Aaminin ko na, nung isang araw, umiinom silang lahat dito sa bahay ng ice cold Coca Cola. Sa loob loob ko, mga talipandas kayooooo! Mga walang modo! Hindi niyo man lang itinago! Temptation of Adam and Eve ba ito? Mga ahas! Anyway, pag-alis nila inamoy ko yung Coke. Kahit yung amoy man lang ‘di ba madama ko? Awang-awa ako sa sarili ko. Kaya kong bumili ng Coke, pero di ko naman pwedeng inumin. Nakakaiyak, mga ‘teh. Nung Sabado lang ako huling nag-Coke pero para akong bampirang uhaw sa dugo ng mga pagkakataon yun.

Mula Tuesday, bedridden ako. Kailangan akong tulungang tumayo para kumain, umihi at maglinis ng katawan. Pag naglalakad ako, ang sakit ng tagiliran ko at tiyan ko. Nakahukot ako kasi di ko kaya dumiretso. Hindi keri ni Tramadol ang sakit at kirot. Si Omeprazole 40 ginagawa naman ang trabaho niya. Kahapon, nagpunta kami sa doctor para magpa-full abdominal ultrasound. Nawala lahat ng sakit na nararamdaman ko, pero p*tang*na mars, more suka, more fun ang drama ng mga acid sa bituka ko. Naging best friends kami ng Hydrite at buti na lang mabait ang papa ko at bine—baby ang batang maysakit. Lahat ng gusto ko, ibinibigay. Pinagluto pa ko ng lugaw. Parang buntis na naglilihi lang. Hindi ko na kaya ang sobrang closeness namin ng tubig, kaya napa-google ako. Buko! Kaya kagabi, first time ko makaramdam ng saya, ibang klase ang sayang dulot ng rebound. Hanggang kanina, buko lang ang mahal ko. Tsaka apple.

Kanina, bumalik ako sa doctor para sa consultation at ipabasa ang resulta ng full abdominal ultrasound ko. Side effect daw ng Tramadol ang vomiting. E pertengnengyen! Bakit yun ang inireseta sakin?! So pinapalitan ko kay Doc.

Magbabayad na ko ng 300 nang may ipinasok ulit sa ER. Tingin ko pareho kami ng sakit kasi Omeprazole rin ang isaksak sa kanya. Sabi ng doctor niya, gusto raw magpa-admit, kahit di kailangan. Sa loob loob ko, mayaman. Ako nga, outpatient. Kaya naman, sayang ang pera, mahigit sa anim na libo na ang nagagastos ko sa gastric episode ko ngayon. Napaisip tuloy ako, magkano lang kaya ang aabutin kung may health card ako? Mabuti na lang may “save it for a rainy day” fund ako. Sinubukan kong kumuha ng sarili kong card nung nakaraang taon para nga sa mga ganitong klaseng emergency, kako, sige ako na lang, kaya pa naman ng budget ko, wag ko na ipilit sa kumpanya, pero na-deny yung application ko dahil sa ulcer ko daw. Tipong pag naospital ako, may 1k ako every day, sayang rin diba. So naging mutual fund na lang muna yun. Sayang yung pera ko. Wala kasi kaming benefits sa trabaho. Kasi hindi kami empleyado. Pero kukuha na talaga ko ng health card na yan.

Ngayon, mas nag-uumigting sa akin na tama ang lahat ng ipinaglalaban ng grupo namin. “Bawal magkasakit” ang mantra ng trabaho namin, pero wala kaming makukuhang kahit ano kapag nagkasakit ka. Wala kang sick leave, pag nag-leave ka dahil hindi mo kaya, e di sorry, hanap ka ng kapalit mo, tsaka wala kang sweldo para sa cut off na ‘to. Bilisan mo gumaling ha! At sa klase ng trabaho, imposibleng hindi ka magkasakit.  Ang mama ko, nadala sa ospital nung 2013, walang binayaran ni isang kusing, dahil sa health card. Ang pamagkin ko, kagagaling lang niya sa ospital. Kalahati lang ang binayaran ng kuya ko dahil sa health card niya beneficiary ang bata. E paano naman ako? Paano pag naubos na ang “save it for a rainy day” fund ko? Mamatay na lang ako. Ayokong ma-experience ang “pass the hat” na kaugalian sa kumpanya para sa mga talents. Kasi nga: Wala kaming health card. So, mamalimos muna tayo sa mga nakakaluwag. Parang di kakayanin ng pride ko.

Sa ngayon, may konting pagbabago. Nagbibigay sila ng Medicard sa bagong kontrata. Palimos kumbaga, kasama ng SSS, PhilHealth at PAG-IBIG. O e kaya naman pala! Bakit ngayon lang ginagawan ng paraan? Pero may mga problema pa raw yun, di ma-implement.

Pero ako, last ko na ‘to. Kahit gaanong katinding pagmamahal pa nararamdaman ng tao, dapat talaga magtira ka sa sarili mo. May mas magmamahal pa sa ‘kin. Ano na nga yung sabi ni Anthony kay Mace sa Tadhana? Yung ganitong klase ng pag-ibig, hindi pwedeng hindi maibalik sakin, may pupuntahan at pupuntahan ‘to. Hindi man sa mahal ko ngayon, pero baka dun sa susunod, yun na yun.

Hindi ko kailanman hihilingin na muling bumalik sa ER, ayoko na magkasakit. Nakakapilay ng lahat. Nakakaabala. Kaya nga pag nakaigi-igi ako, hahanap na ko ng gastro doctor. May alam ka bang mura na magaling pa? Pero kung sakali man, sana pagdating ng araw na yun, may health card na ko. Para kahit trip ko lang no, ay magpapa-admit ako. Cause: dysmenorrhea.

Huling hirit ni lola bago ko ma-post ‘to: Naku! Ang mahal ng endoscopy! Pinakamura 8 libo, mga sampung libo! Sayang kung may health card ka, libre.

Rubbing it in.

Di pa man, umiiyak na yung bulsa ko. Sabay Google kung magkano nga ba ang endoscopy.

End of story. #LabanMedia

Publish.

Advertisements