25/50 

Tawagin natin siyang Cinderella. Hindi ko alam kung gaano kalabo ang 25/50 pero kung siya ang pagbabatayan, iisipin kong once upon a time, puno ng mga kumakantang ibon at mga naka-ball gown na mga tao ang nakikita niya. Kung totoo ang fairy tales, siya na siguro ang pinakamasayang babae sa buong mundo. Isa siyang Disney princess. May prinsipe siya dati, nagbigay ng singsing, akala ng lahat nasa huling chapter na ng libro, kumanta na sila ng “Love is an open door” at konti na lang, mababasa mo na ang “an they lived happily ever after” na. Kaso, si Prinsipe Hans personified pala ang lalaki, at si Cinderella, naging si Anna, na-Frozen-zoned. Ang hindi alam ng lahat, may nag-thaw na ng puso niya. Hilong talilong si Cinderella sa loob ng ilang buwan. Maging ang mga kaibigan niya ay ganun rin. Hindi nakasulat sa kahit anong fairy tale ang mga sumunod na pangyayari, para pa ngang naging bersyon ng Grimm brother’s fairy tale. Kulang na lang maging palaka rin siya paghalik niya sa pekeng prinsipe. Marami ang “Elsa” niya. Ilang “tanga,” “gaga,” at sermon ang inabot niya. At tulad ni Anna ng Frozen, nagising rin siya sa katotohanan dahil sa “true love” ng napakaraming “Elsa” niya at unti-unting bumabangon ngayon. Independent woman na raw siya at family first muna.

 

50/50

 

Para sa kanya love knows no gender. Walang kinikilala kung lalaki o babae, “e sa kanya tumibok e, anong magagawa ko?” ang drama niya. Siya yung tipo ng kaibigan na kung kailangan mo ng makikinig sa mga kwento mo, mula sa pinakawalang kwenta hanggang sa pinakanakakaiyak, sa kanya mo ikwento. Hindi makakalabas, liban na lang sa tatlong taong nakasama niya sa preso. Isang beses, 2013 nun, nang bigla siyang humagulgol ng walang pasintabi sa amin. Broken hearted daw siya. “Friends na lang tayo” sabi ng musikero, “inlab ako sa ‘bato'” dagdag pa niya. Ayun. Umiyak tawa si. Pero di tulad ni , mas madali siyang naka-move on. Mas naging matigas ang puso. Totoo, ilang inuman rin yata ang nangyari, solo niya o kasama kami, pero okay na raw siya makalipas ang ilang linggo at may bago ng inspirasyon. Kaso mo, sablay pa rin yata. May mga pamantayan kasing sinusunod si kuya. Sa ngayon, ang status ng love life niya, parang grado rin ng mata niya, naghihingalo: 50/50.

 

50/25 

 

Cheerleader, breadwinner, girlfriend, at minsan ay parang anak niya ang nanay at boyfriend niya. Minsan iniisip ko kung “Superwoman” yata ang gusto niyang maging bansag namin sa kanya. Palaban, matigas ang ulo at minsan na siyang umakyat ng bubong para makapasok kami ng bahay. Kabaligtaran naman nito ang boyfriend niya. Minsan iniisip ko kung paano sila tumagal ng ilang taon, pero sabi nga nila, ang pag-ibig ay 50/25 ang grado minsan, malabo. Wag na nating pag-usapan si kuya dahil baka maging 50/25 rin ang vision ko. Ilang beses nang muntik maging 20/20 muli ang vision niya nang maghiwalay sila. Kaso, pag-ibig happened. Mahirap nga yatang magkaroon ng malinaw na mata kung di mo kasama ang taong mahal mo. Bumalik man sa 50/25 ang grado ng mga mata niya, mas mukha na siyang masaya ngayon.


20/20

 

Malaki ang ilusyon niyang 20/20 pa rin ang vision niya, pero dama niyang hindi na ito tulad ng dati. May mga pagkakataong natatakot siya kapag lumalabo ang paningin niya at hindi niya mabasa ang mga nakasulat na dati’y nababasa niya. Tulad ng pagkatakot niyang matibag ang mataas na pader kung saan niya ikinulong ang puso niya. Ang mantra niya, “no boyfriend, no problem.” Pero ilang pagkakataon na ring nahuli niya ang sariling nakakaramdam ng mga bagay na iiwanan ka lang sugatan sa huli, at mabilis pa sa alas kwatrong itataas niya ang depensa. Sa tagal ng panahon, sanay na siyang mag-isa. Ano nga ba ulit ang pakiramdam ng may sinisinta? Baka nga kailangan na niyang tanggapin ang katotohanang hindi na 20/20 ang vision niya. Hindi na siya si Superman, si Clark Kent na siya.

Advertisements