Hindi tayo magkakilala. O pwede rin namang nakatrabaho na kita minsan, o di naman kaya nagkasabay na tayo sa elevator, maliit lang naman ang mundo sa GMA. Ako nga pala si Mina, dalawang taon akong nag-research sa Powerhouse at halos dalawang taon ring nag-produce para sa parehong palabas. Sa totoo lang, hindi ko naisip na gagawa ako ng sulat para sa taong hindi ko kilala.

Ni minsan, hindi ko rin naisip na susulat ako ng liham ng pagpapaalam sa mga tao sa show na halos apat na taong kong nakasama; magpaalam sa show oo, pero yung magpaalam sa lahat? Hindi. Lalong hindi sumagi sa hinagap ko na aalis ako sa kumpanyang pinangarap at ipinagdasal kong mapagtrabahuhan ko minsan sa buhay ko. Akalain mo yun, hindi ako gumive up kahit dalawang beses niya kong ni-reject bago ko tinanggap! Akala ko nga nun, third time’s a charm. Pero may mga pagkakataong kailangan mong piliin ang mga paninindigan mo sa buhay.

Hindi ko alam kung bago ka lang, o kung niluma ka na ng panahon sa GMA. Kung mas matagal na ako sa’yo, may mga bagay akong gustong sabihin na makakatulong sa’yo. Kung hindi naman, sige stop ka na sa pagbabasa, hahaha! pero kung gusto mo lang, basahin mo pa rin, at baka maisip mo na baka naman may masabi pa ‘ko na hindi mo alam bilang ang una at huling pagsahimpapawid ng pangalan ko ay lumabas sa programang ito. Isa pa, iba-iba naman ang kalakaran sa bawat programa, ‘di ba? Game!

with res

with the Power (researcher) gels

Maging good cop-bad cop sa mga researchers na si Imeeh at Anj, at sa magiging bagong researcher. Maging “ate” o “kuya” ka sana nilang dalawa. Totoong minsan kulang sa palo ang dalawang bata, pero mabilis naman silang matuto kaya kung gagabayan mo sila ng mabuti, magiging maayos ang samahan ninyo. Pagalitan mo kung may ginawang kapalpakan, pero sana nasa tama. Wish ko nga sana umepekto yung mga minsanang pag-train ko sa kanilang matutong ipaglaban ang mga sarili nila at ‘wag paaapi sa mga mapanlamang sa industriyang ito.

Para sa mga magiging co-segment producers mo na sina Jerome at Marrielle, wala kang magiging problema. Madalas mag-uusap kayo tungkol sa airing schedule. Maging mabait sa dalawa para pwede kang makipagpalit ng airing week o magpasalo ng shoot kung kinakailangan. Nagkasundo kami ni Marrielle dahil pareho kaming maarte, kaya kung maarte ka, plus point na yun. Haha! Hanggang ngayon di ko alam paano kami nagkasundo ni Jerome dahil magkaaway kaming SP-res tandem noon, kaya kung masasabi mo kung paano kunin ang kanyang kiliti, balitaan mo ‘ko. Duda ko, dahil may nagpapangiti na sa kanya. Pun intended. Siya ang “Joy” sa “Masong(et)” ni Jerome. Nakanang!

with ph team

muntik kaming ma-“tara kape tayo nung gabing ‘to!” haha

Sana magaling kang magkilay, para ‘di malungkot masyado si Ate Abby sa pag-alis ko, pwede ka ring manghiram ng plantsa ng buhok kung may date ka after work. Kung saka-sakaling babalik si Andrue at bigo sa kanyang American dream at tatanggapin siya ulit ni Sir Bri sa show, wag kang magpasindak! De joke lang, haha! Unahan mo na siya agad, pero mabait naman si Andrue, ewan lang minsan. Wag kang papayag mag-pull out ng gamit para sa kanya. Hahaha!

Magpasa ka ng maaga o saktong oras ng treatment at script kay Ate Lizzy. Kung male-late ka, magsabi ka agad. Madali siyang lapitan at hindi nakakahiyang manghingi ng ideas para sa ikagaganda ng episode mo. Tulad ni Ate Lizzy, napakadali ring lapitan ni Sir Bri. Siya ang isa sa mga sobrang ayos na taong nakatrabaho ko sa GMA na nakakahiyang magpasa ng half assed na trabaho dahil hindi niya deserve ang ganung klase ng trabaho. Grabe siya magtanggol sa mga staff niya na madalas siyang mapahamak kaya wag ka na magpasakit ng ulo, kasi marami na siya nun ngayon.

Sayang lang at hindi mo na aabutan si Ma’am Nena. Isa rin siya sa mga ayos na PM sa GMA! Nakikinig sa mga staff at inaalam kung ano na ang balita sa’yo, on and off work. Minsan nagka-clash sila ni Sir Bri, pero nakakatuwa silang panoorin sa mga ganung pagkakataon, sa totoo lang. Lalo sa editing. Tinuring niya kong baby sister kaya sigurado akong magiging ate rin siya sa’yo pagbalik niya after her operation. (Minsan iniisip ko pa rin kung bakit lahat ng mga naging boss ko mababait, ano kayang ginawa ko nung past life ko?)

Pwede kang mag-request kay Kaycee ng masarap na ulam tulad ng buttered hipon, barbecue at inihaw na tilapia sa editing. Grabe, ang sarap! Kay Anthony, wala kang masyadong aasahan sa request ng masarap na pagkain, pero pwede mo siyang asahan sa mga pakiusap na hindi mo naihabol haha. “Hollow man at woman” minsan si Kaycee at Anthony kaya siguraduhin mong bago sila mawala sa paningin mo ay nasabi mo na ang mga kailangan ng episode mo. (Kung amabasa niyo, aylabyu guys, joke lang)

editing

ngaragers sa editing

Isa kang maswerteng SP sa post dahil bongga ang editors mo. Sila yung klase ng mga editors na pwede mong iwanang mag-edit. Siguraduhin mo lang na may TC ang script mo, kasi kung hindi, ay nako! Kausapin si Kuya Juden at Kuya Noli sa mga latest happenings sa mundo para di ka ma-bore. At sana babae ka, para may kausap si Ate Piah tungkol sa girly stuvvz: kulay at gupit ng buhok, damit, minsan love life (pero puro kanya lang kasi wala ‘ko nun), at minsan rin mam-bully. LOLz. Umupo ka hanggang dub out! Masaya ang dub out kasama sina Kuya Noli, Kuya Xtian, Sir Bri at Ma’am Nena (pero di muna siya ang PM ngayon!) Ang daming chika na nakakatawa at minsan naman nakakatalino o nakakabobo, depende sa mood ng mga tao at world news and trends. Prangka rin sila kaya malalaman mo kung ano ang problema ng episode mo. Kung babae ka, wag ka mainlab kay Kuya Xtian at sa kanyang kapogian, mabibigo ka lang. Nag-cringe siya nung sinabi kong crush ko siya. Hahaha!

with kd

Ma’am Kara and Ate Monday at Vigan! (c) Ate Monday

Tulad ng ibang hosts, alagaan mo si Ma’am Kara. Siguraduhin mong alam mo by heart ang iyong guests, para pag bigla siyang nagtanong ay hindi ka mag-freeze kung di mo alam ang sagot. I-brief mo siya para alam niya ang flow, mas gusto niya yun para smooth sailing ang buong shoot. At para masigurado to? Dapat alam niyo pareho ng res mo. Pero, alam mo na naman yun, ‘di ba?

with crew

grabe, muntik nila kong ilaglag sa fountain sa likod! lol

Kaibiganin mo sana ang PH crew. Bully lang sila, pero sila ang the best na mga kuya-kuyahan at tatay-tatayan sa GMA. Sila ang magluluto sa out of town shoots at aalagaan ka nila. Sa galing nila, hindi ka kakaba-kaba na pangit ang material mo. Maniwala ka sa ’kin. Makinig ka sa mga sinasabi nila, tandaan mo, haligi na sila ng GMA. Hahaha. Ask nicely sa mga shots na gusto mo, ibang klase pag nag-trip ang crew. Minsan na kong di kinausap ng mga yan sa shoot. Haha! Humang out ka rin kasama nila, mas marami kang matututunang words of wisdom sa mga lolo mo. AT! Magpasalamat ka tuwing matatapos ang shoot at maghihiwalay na kayo sa custodian. “Thank you berimats”  na mula sa puso lang yan, wag ipagdamot.

Ang pinakaimportante sa lahat: mahalin mo sana silang lahat at ang show. Wag mo silang tratuhing raket lang, (kung may iba kang mother show) kasi hindi sila kailanman “raket” lang, tulad ng ibang show, “priority” ang Powerhouse. Sana tratuhin mo ang show kung paano itrato ng nanay ang kanyang mga anak: pantay-pantay. Salamat kung umabot ka sa parteng ‘to. Sa huli, gusto kong sabihin na sana’y maging sing-saya ng experience ko ang maging experience mo. Hiling kong makita mo rin ang mga nakita ko sa lahat ng bumubo ng palabas na ‘to. Good luck! <3, Mina

powerhouse group pic

Tenkyu, mahal ko keyow!

Advertisements