Nung binisita ko ang mama ko sa Phuket nitong Hulyo, excited niyang ipinakita sa akin ang balikbayan box niya, malapit na yung mapuno. Laman nito ang ilang pasalubong para sa mga apo niya, sa aming pamilya at sa ilang kamag-anak. “Mayroon akong ganito, ganito, ganito.” “Tignan mo, ito yung mga binili ko sa mga bata, maganda ba?” “May mga in-order pa ko, di pa lang dumadating.” Yan ang ilang mga linya niya sabay turo sa mga pagkain, damit at printer niya. Ewan ko ba bakit may printer. Para raw hindi na magpapa-print sa labas ang mga apo niya, sayang daw kasi.

Isang araw nag-grocery kami, may itinuro siya na binili raw niya mga ganung pagkain para sa mga apo niya. “Bakit ka pa magpapadala niyan, ma? May ganyan naman sa atin. Yung mga wala na lang dun ang padala mo para matikman namin,” sabi ko sa kanya habang ipinagmamalaki niyang itinuro ang kahon ng Hello Panda sa aisle ng mga biskwit sa grocery. May isang beses na dinala rin niya ko sa night market kung saan daw niya binibili yung mga ipinapadala niyang swimsuit at damit sa amin.

Nung isang araw, sa wakas nakuha ko na yung swimsuit at damit na sinasabi niyang ipinasabay niya sa isang kakilalang umuwi sa Pinas, bumabagyo na, tapos na ang summer. Pero okay lang, may summer pa naman next year. Terno kami ng kapatid ko ng swimsuit, iba lang kulay, pero para kaming sasayaw. Hahaha! Ganun talaga si mama kung magpadala sa amin ni Cat, laging pareho, iba lang lagi ang kulay. Yung mga ganitong gestures of love ng mama ko ang nakaka-miss, kasi ganun niya kami bihisan ng kapatid ko bata pa lang kami.

IMG_8661

most recent pic with mama

Bago pumutok yung issue ng bukas balikbayan box sa balita, ka-chat ko si mama, nag-send ng screen grab ng bags. Ano ba raw dun ang gusto kong ilagay niya sa bagahe, ipapadala na raw kasi niya yung box niya, para dumating in time sa kaarawan naming mag-ama. Sabi ko ayoko ng bag, pwede bang relo na lang? Okay daw, daling kausap! Ako naman ang nagpadala ng screen grabs ng klase ng relong gusto ko. Excited na ko sa birthday gift ko. Kaso ito na. Lumabas sa balita na binubuksan ng BOC ang bawat balikbayan box, o random checking daw, sabi ni Lina.

Wow! Yung excitement ko parang lobong pinutok, di namin alam ngayon papaano ipapadala ng mama ko yung kahon niya ng walang mawawala ni isang sinulid sa damit na nasa loob nun. Alam naman natin kung gaano ka-buwaya ang mga tao sa BOC, open secret naman na yun. Nung nakaraang taon nga, may kakilala akong binebentahan ako ng imported cosmetics, Mac, Bobbi Brown, Nars at kung anu-ano pa. Gusto ko raw ba bumili. Nagulat ako sa mura ng halaga. Sabi ko “Saan galing? Sa customs daw.” Gusto niyo pa bang maniwala kami na walang mawawala sa laman ng boxes ng mga OFW? Sorry, may vested interest ako, OFW kasi mama ko.

error 504

Hindi naman itinatanggi ng mga OFW na karapatan ninyong magbukas ng kahon for inspection. Sa puntong ito, binuksan ko ang website ng customs. Para makita ang section tungkol sa balikbayan boxes. Error 504: Balikbayan Boxes not found. Pero anong henerasyon na ba tayo? Hindi ba pwedeng idaan sa x-ray machines tulad sa eroplano? Walang pambili? Saan ginamit ang budget? Kung may kahina-hinalang laman sa loob saka ito buksan sa harap ng claimant mismo. Mas mapapadali pa trabaho ninyo, hindi yung para kayong mga batang wow, Pasko! Araw-araw nagbubukas ng regalo.

Kung gusto niyo talagang mabawi ang P600 million na nawawala sa inyo, habulin niyo ung mga friendship ninyong smugglers. Yung smuggled luxury cars nakalusot, yung ilang tonelada ng basura ng Canada naipasok dito sa Pilipinas, tapos ang paghihigpitan ninyo mga OFW? Di ko ma-gets. Wala kayong ipinagkaiba sa DOTC. Mas maraming tren at mas maayos na serbisyo kailangan, binili bagong turnstiles at tickets. Ibang klase. May puso pa ba kayo? Di pa sapat na pinapasweldo ka, Lina, sampu ng mga minions mo sa customs ng tax ng mga tao, kailangan pang pati yung konting pagmamahal na nakakahon, babuyin niyo pa?

Kung wala raw itinatago ang mga OFW, dapat hindi sila matakot na mabuksan ang boxes. Ser, ang ikinakatakot po nila, yung mga sobrang taas ng kredibilidad ng opisina ninyo sa usapin ng nakawan. Tsaka yung pagyurak ninyo sa pagkatao nila na masabihang nag-smuggle ng goods papasok ng Pilipinas, pagkatapos nilang magpasok ng pera sa Pinas at iangat kahit konti ang nakakadismyang ekonomiya natin. Saklap e.

balikbayanbox-20150822_83B9DF2F164643E197579D827598967A

photo grabbed from Rappler

Sana sa kada balikbayan box na binubuksan ninyo… habang kinakalkal niyo ung laman ng padala nila at hindi niyo ibinabalik ng maayos sa loob, sana maisip niyo kung paanong puno ng pagmamahal nilang inilagay ang bawat item sa loob at siniguradong darating in good condition lahat. Sana maisip niyo rin sa tuwing kukupitan niyo ng pabango, tsokolate, sapatos o damit yung kahon nila, sana maisip niyo kung ilang pagkain ang tiniis nilang hindi kainin, ilang over time ang ginugol nila, at ilang napkin dyan ang hindi nila ginamit makatikim lang ng imported ang mga mahal nila. Sana habang kumportableng-kumportable kayo dyan sa de aircon niyong opisina at pakuyakuyakoy pa sa mga upuan, sana maisip niyo rin kung gaanong taas ng temperatura at ilang oras na pagkukudkod, pagtayo, pagkanta at pagpapaalipin ang ginagawa nila makapagpadala lang ng konting kasiyahan sa pamilya. Sana maisip niyo kahit kaunti kung gaano kasakit sa kanila na yung ilang buwan, ilang taon nilang tiniyagang punuin na kahon eh bubuksan niyo lang at nanakawan, kung gaanong sa bawat piraso ng pasalubong sa loob e hinihiling nilang sana sila yung makakauwi sa mga anak, asawa, kapatid nila. Na yung tsokolateng tiniis nilang di kainin, makarating yung tamis ng pagmamahal, na sa bawat pasalubong na stuffed toy ay mayayakap na rin nila ang anak nila, na yung bawat pares ng sapatos ay para na rin nilang kasaby sa bawat hakbang ang minamahal. Tapos nanakawin niyo lang? Bababuyin ung laman ng box? Alam niyo ba kung gaano kasakit yun? Kasi hindi lang naman yun pasalubong, bawat laman nun ay may kasamang puso, pangungulila, pagmamahal. Kung hindi niyo kayang respetuhin yung pagiging bagong bayani nila, respetuhin niyo man lang yung balikbayan box nila. Yung lang Carla… este BOC… yun man lang.

vilma santos

photo grabbed from the internets. Pahiram lang po ng linya, Master Ricky.

Gutay gutay na nga ang katawan ng mga OFW sa pagtatrabaho, pati ba naman balikbayan boxes nila, gugutay-gutayin niyo pa rin? Ay, ibang movie na pala ‘to. Okay, last ko na. I’ll see myself out.

2014 nang mawalan ng pag-asa ang mama ko sa Pilipinas, sapat para iwanan ang pinakamahalagang bahagi ng buhay niya: ang pamilya. Sinikmura niyang magtrabaho ng malayo sa amin, ng mas mababang trabaho kaysa sa pinag-aralan niya. Nasa ibang bansa na siya, pero hanggang ngayon, binibigo pa rin siya ng bansang sinilangan para sa kokonting kasiyahang nais niyang ipadala sa mga mahal niya sa buhay.

“Umuwi na tayo, dahil wala nang sense ang ating mundo.” – Balikbayan Box, Eraserheads

Advertisements