image1

Ang sabi nila, “travel is the only thing where you spend money but you come back richer than you were before,” or something like that. Totoo yun, sa ilang beses na maswerte akong nakaalis ng bansa o nakaalis ng Maynila, nakita ko ang iba’t ibang mukha ng mga tao, ang mayaman nilang kultura, kung gaanong iba man sila sa atin, kung titingnan mo sa isang mas malaking perspektibo, hindi naman talaga sila iba sa ‘yo. Nagkaroon ako ng mga bagong kaibigan, lumawak ang tingin ko sa mundo at mas lalong gusto kong makilala pa ito.

Sa huling pag-alis ko ng bansa, hindi ko naisip na mas higit kong makikilala ang mga bagong bayani ng Pilipinas.

Naghihintay kami nun ng flight namin pabalik ng Pilipinas mula sa layover namin sa Kuala Lumpur. Medyo maaga kami sa takdang oras ng flight. Nagtatalo kami ng kapatid ko kung saan kami uupo sa waiting area, sabi ko dito na sa malapit sa bintana. Sarap kasi kunan ng paglipad ng mga eroplano. Ayaw niya, pero napilit ko siya. Dito namin nakilala ang ibang pasahero na kasabay namin sa flight pabalik ng Pilipinas. Mag-asawang galing ng isang taong bakasyon sa Melbourne, Australia. Nag-stay daw sila sa anak nilang pirmi nang nakabase doon. Ang sasaya ng mga kwento ni nanay. Di ko nakuha ang pangalan niya. Ang ganda raw sa Australia at mababait ang mga tao. Totoong may mga racist daw, pero generally mababait naman sila. Ipinagyabang niya na ilang despedida ang ibinigay sa kanila ng mga naging kaibigan nila sa lugar.

Kung gaano kaganda ang mga kwento ni nanay, kabaligtaran naman ito ng mga kwento ni Ate Mary Rose, isang Pinay na nagtatrabaho bilang DH sa KL. Nagkakwentuhan kami ng mga tungkol sa mga kung anu-ano lang habang naghihintay ng boarding. Masayahin siyang kausap. Dahil panahon ng eleksyon, nagsimula siyang magkwento ng pagiging hopeful niya sa ilalim ng administrasyon ni Duterte.

Medyo mahirap tanggalin ang pagiging media practitioner sa mga ganitong bagay kaya nagkakwentuhan na rin kami ng mga ilang personal na bagay. Mostly tungkol sa kanya nga lang, hindi naman interesante ang buhay ko ewan ko nga bat may nagbabasa pa ng mga sinusulat ko dito.

Nalaman naming magkapatid na halos dalawang taon na siyang nagtatrabaho sa KL. May apat na anak siya sa Maynila at may estranged husband. Medyo hindi ako sigurado sa asawa, assuming lang ako bilang sinabi niyang malas siya sa pag-ibig.

Sa sunny disposition ni ate Mary Rose, hindi ko akalaing isa pala siya sa mga kababayan nating ibang klase ang hirap sa ibang bansa. Kasambahay siya sa isang pamilyang Chinese. May isang anak ang mag-asawa at kasama sa bahay ang nanay ng asawang lalaki. Masama raw ang ugali ng mga amo niya. Kako, paanong masama? Gusto nila araw-araw siyang maglinis ng bahay kahit wala ng kailangang linisin. “Minsan nga nakakasira na ko kasi kailangan may gawin ako,” aniya. Delayed din daw magpasweldo samantalang sunod ang mga luho. Bagong labas na iPhone? Meron agad sila! Pero delayed ang sweldo ng kasambahay. Wala siyang cellphone, bawal lumabas ng bahay kung hindi kasama ang mga amo at hindi pwedeng makipag-usap sa mga kapwa OFW.

Bilang din daw ang pagkain niya. Apat na slices ng tinapay lamang ang pwede niyang kainin tuwing almusal. Isang pack ng tinapay, six days niyang kakainin. Walang labis, walang kulang. Bilang ng mag-asawa ang laman ng pantry. Matapos ang dalawang buwang paninilbihan, naging noodles ang diet ni Ate Mary Rose sa mga sumunod na labimpitong buwan, lunch at supper. Ulitin ko. Instant. Noodles. For. Seventeen. Months. Tanghalian. At. Hapunan.

Labimpitong buwan ng sodium, labimpitong buwan ng walang sustansyang pagkain. Nanlaki ang mga mata ko sa rebelasyon ni ate. Kulot na rin kaya ang dumi niya? Kulay dilaw tulad ng noodles? “NOODLES FOR SEVENTEEN MONTHS?! Masama yun ate! Ang taas nyan sa sodium! Ang tagal ma-digest totally ang noodles sa katawan ng tao! Mga three days! Nakaka-cancer yan! Magpa-check up ka kaagad pag-uwi mo sa Pinas! Grabe mga walangya!” sunud-sunod kong litanya.

“Paano mo nagawang kumain ng noodles for seventeen months? Siguro naaamoy mo pa lang yung noodles nasusuka ka na ‘no?” Makakita pa nga lang daw siya ng pakete ng noodles naduduwal na siya. Kaya di nagtagal, hindi na siya kumain ng noodles. Nagpapabili na lang daw siya ng Oreo sa amo niya at ibang pagkain tuwing maggo-grocery sila. Kaltas pa sa sweldo niya. Kapal ng apog.

Hindi kami makapaniwala ng kapatid ko. Nanlaki ulo ko. Matindi pa sa Survivor ang pinagdaanan ni ate. At sa kakarampot na halaga lang naman panigurado. Hanggang ngayon di ko pa rin maisip paano niyang nagawang tumagal sa ganoong klaseng amo. Di ka pwede lumabas ng bahay, makipag-usap at noodle diet.

Nakaalis lang daw siya dahil nakabakasyon ang amo niya, tapos tinulungan siya ng mga kapwa OFW na magkaroon ng cellphone. Dun na siya tumawag sa DFA at nagpa-rescue. Sinwerte, nakaalis siya makalipas ang ilang araw. Ang sarap sa pandinig na may mga departamento pa rin sa bansa na totoong para sa bayan. Ang siste, sabi pa ng amo niya, lugi raw sila dahil hindi niya tinapos ang dalawang taong kontrata. Kapal ng apog.

Maswerte pa rin siya dahil hindi siya sinasaktan, sabi ni Cat. Sa loob loob ko, hindi ka nga sinaktan sa labas, papatayin ka naman from the inside. Sabi naman ni Ate Mary Rose, maswerte pa nga raw siya, meron daw kasing mga ibang kasambahay na hindi nakakalabas ng bahay at may kaibigan siyang mas matagal nang naka-noodle diet kesa sa kanya. Mas matindi rin daw ang amo nun. “Hindi ko nga alam paano siya nakakatagal,” sabi niya. “Para sa pamilya ate. Parang ikaw diba,” sabi ko.

Ilang beses na tayong nakakarinig ng mga kwento ng pagmamaltrato sa mga kababayan natin sa ibang bansa, kung ipi-pitch ko nga ‘to ngayon sa telebisyon, sasabihin sa ‘kin, gasgas na. Wala bang bago? OFW din ang nanay ko, pero hindi tulad ni Ate Mary Rose, maganda makitungo sa tao ang amo niya. Gamit pa nga namin ang motor niya nitong huling bisita namin sa kanya sa Phuket. Pero ganun pala kapag firsthand mong narinig ang mga pinagdaanan nila. Para kang sinikmuraan at ibabalik ka sa reyalidad na maswerte ka pa rin. Maswerte ka. Maswerte ka.

Delayed ang boarding ng ilang minuto, kating-kati na makaalis ng teritoryo ng Malaysia si Ate Mary Rose. Excited na siyang makita ang mga anak niyang hinihintay siya sa NAIA. Sa wakas, nagsimula nang umandar ang mga gulong ng eroplano.
Pagka-angat ng mga gulong sa lupa ng KLIA2, habang napapagitnaan kami ng isang Tsino, nakangiti niyang sinabi na: “Goodbye, Malaysia, hindi na ko babalik!” Natawa ako, sabay nag-apir siya sa ‘kin.

Uuwi na si Ate Mary Rose sa mga anak niya.

Masaya ako na para kay ate Mary Rose, totoo nga yatang change is coming.

Advertisements