“Tawagin mo! Tawagin mo! Kanina pa ko nanggigigil dyan!” nagngingitngit na sigaw ng mama ko sa papa ko. “Tinawag ko na,” sagot ni papa.

“Anyare?” napahinto ako sa panonood ng rerun ng Grey’s Anatomy sa laptop ko. Mas maingay kaysa sa normal sa bahay. Kauuwi lang ni mama mula sa Thailand. Isang linggo siyang nakabakasyon kaya maraming dumadalaw sa bahay. “Yung cellphone ni Bunso, nawawala! Kaninang umaga pa! Importante yung SIM card dun, baka tumawag yung ina-applyan niya!”

Lumingon ako sa likod kung saan nakaupo si Adelbert, simangot na simangot ang bunso kong kapatid. “Bakit doon mo chinarge?”kako. “Hindi ako. Si mama nga nag-charge dun ng cellphone.” “E kasi nga galing ako dun kaninang umaga di ‘ba? Nagwa-wifi ako, nag-charge ako tapos naiwan ko. Pagbalik ko wala na!” sagot ni mama.

“Sino raw kumuha?”

“Sino pa, e di yung tiyuhin mo! Kahit kelan makapal ang mukha. Nasaan na ‘yun?”

On cue, sabay pasok sa loob ng bahay ang suspek sa nawawalang BlackBerry. Todo tanggi ang tiyuhin ko sa ibinibintang sa kanya. Sabi naman ni mama, siya lang at ang lola ko ang tao sa bahay nila kaninang umaga kung saan naiwang naka-charge ang telepono.

Siya lang naman daw kasi ang malikot ang kamay dun. Lahat na ng tao siya ang pinagbintangang kumuha ng telepono. Mula sa kapatid niyang natutulog nung umaga, sa nanay niya, maging sa tita ko na kapitbahay din namin, sa kanya ang bintang. Denial king, ika nga niya.

Kung ako ang tatanungin, siya rin ang unang una kong sisihin sa nawawalang cellphone. Aba, bakit hindi? Siya lang naman ang may matinding pangangailangan. Siya lang naman ang may bisyong kailangang masustentuhan. Siya lang naman ang adik sa droga. Magtanong ka ng sampung tao kung sino sa tingin nila ang nagnakaw ng gamit, maniwala ka, labing-isa sa kanila, siya ang ituturo.

Lulong sa ipinagbabawal na gamot ang tiyuhin ko sa napakatagal na panahon. Hindi ko na maalala kung ilang taon na siyang adik, basta naaalala ko, grade six ako nun nung nakita ko siyang may iniwang maliit na pakete ng plastik sa banyo. Nung ininspeksyon ko, durog na puti ang laman. Alam na.

Makailang beses na rin siyang dinala sa rehabilitation center. Siguro tatlo o dalawa. Hihinto, tapos babalik ulit. Magkakalaman dahil huminto, tapos biglang parang lobong iimpis ang katawan makalipas ang ilang buwan. Humpak na naman ang mga pisngi at hindi mo makausap nang maayos. Siya yung tipo ng tao na pag nakatabi mo sa jeep, magtatamang hinala ka at yayakapin mo na ang bag mo. Halos lahat sila ganun ‘di ba? Sa panahon ngayon, lahat tayo may kamag-anak, kaibigan, dating kaklase, kaopisina, naging jowa o jowa pa rin, kapitbahay, o kakilala na adik. Kung wala kang personal na kakilala, sa Timbuktu ka ba nakatira? Ang swerte mo naman. O kung wala kang kakilala, siguro yung nakasakay mo sa jeep, yung nangholdap sa ‘yo o yung nang-snatch ng telepono mo sa Quiapo, yung nanghipo sa ‘yo sa Divisoria, adik yun! Salot ng lipunan! Patayin para di na makaperwisyo ng ibang tao!

Kaya kung tutuusin, sino pa ba naman ang may sala kung hindi siya, di ba? Siya lang naman ang may motibo sa dami ng taong pumasok sa pamamahay ng lola ko mula umaga hanggang gabi. Pero hanggang huli, hindi raw siya ang kumuha ng cellphone. “Mamatay man!” Sus, ilang beses ko nang narinig yan, sa loob loob ko. Wala na talagang naniniwala sa kanya na hindi siya ang kumuha.

“Every step you take is a giant leap backward for womankind. There goes the right to vote. Roe v. Wade” sabi ng isang minor character sa series na pinanonood ko. Naku, bahala na nga kayo dyan. Hindi niyo na makukuha yang cellphone na ‘yan, sa loob loob ko. Nabenta na ‘yan. Nang biglang dumaan sa harap ko ang cellphone na hinahanap.

Pause.

“O! Saan niyo nakuha?”

“Nailagay pala ng lola mo sa bag niya. Tinago niya. Nakalimutan lang niya,” sabi ni mama.

“Ayan! Nako! Nambintang kayo nang nambintang di pala siya talaga yung kumuha! Paano kung binaril na natin siya tapos nilagyan natin ng sign na ‘pusher, wag tularan?’ Yan sinasabi ko sa inyo, kaya nga may due process! Ligo na nga ‘ko.”

Advertisements